Contact Details

Rm. N-411, House of Representatives, Quezon City, Metro Manila, Philippines
+63 2 931 5497, +63 2 931 5001 local 7370
 
MESSAGE DELIVERED BY REP. EDCEL C. LAGMAN
ON THE NATIONAL DAY OF PRAYER FOR THE DISAPPEARED,
FIRST DAY OF THE NATIONAL HUMAN RIGHTS CONSCIOUSNESS WEEK
4 DECEMBER 2020

 

Magandang gabi sa mga mapagmahal na kapamilya ng mga desaparecido at mga magigiting na tagapagtanggol ng karapatang pantao. Ngayong araw, ika-apat ng Disyembre, ay ginugunita natin ang mga biktima ng enforced disappearance sa pamamagitan ng dalangin. Tinagurian ito ng FIND na National Day of Prayer for the Disappeared. Natatandaan ko na last year tayo ay nagtipon-tipon sa aking tahanan upang magkaroon ng cultural night. Kung tama ang pagkakaalala ko, tayo ay nagtipon noong December 6 o dalawang araw makalipas ang mismong National Day of Prayer for the Disappeared dahil sa labis na sama ng panahon noong December 4.

Ang December 4 ay unang araw din ng National Human Rights Consciousness Week na nagtatapos sa December 10 na pinagdiriwang sa buong mundo bilang International Human Rights Day. Sa darating na December 10, 72nd anniversary na ng adoption ng Universal Declaration of Human Rights ng United Nations General Assembly.

Ang paggunita ng National Human Rights Consciousness Week ay may mandato sa ilalim ng Republic Act 9201 na isinabatas noong April 2003. Layon ng batas na ang mga mamamayan ay maging mulat tungkol sa kanilang mga karapatan kaugnay ng mga tungkulin at serbisyo ng gubyerno.

Makikita sa layuning ito na malinaw na tinutukoy ang mamamayan bilang rights holders o may tangan ng karapatan at ang gubyerno bilang duty bearer o may tangan ng tungkulin.

Sa madaling sabi, dapat ginagampanan ng gubyerno ang kanyang tungkuling igalang, protektahan, at bigyang katuparan ang mga karapatang pantao. Ang mandatong ito ay pinatibay at ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Subalit ang pangangalaga ng Saligang Batas sa karapatang pantao ay binabale-wala ng ilang mga tao at maging ilang mga ahensya ng gubyerno. Kahit ngayong Linggo ng Karapatang Pantao walang humpay pa rin ang paglabag sa mga karapatan. Tuluy-tuloy pa rin ang pagyurak sa dignidad ng tao. Walang patid pa rin ang paninirang-puri sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Sa halip na kilalanin ang mahirap na gawain at mahalagang papel ng human rights defenders o HRDs sa iba’t-ibang sektor ng lipunan, pinapalabas na tayo ay masasama dahil ang pinuprotektahan daw natin ay ang mga kriminal na gumagamit o nagtutulak ng droga. Hindi ko na iisa-isahin pa ang mga paglabag ng karapatan. Alam na alam na ninyo ang mga ito. Ngunit gusto kong bigyang-diin ang tema ng United Nations para sa International Human Rights Day ngayong taon: Recover Better – Stand Up for Human Rights.

Paano natin gagawin ang pag-“recover better” mula sa COVID-19 pandemic, mula sa matinding pinsala ng mga dumaang bagyo? Ayon sa UN, sa pamamagitan ng pagtindig para sa karapatang pantao. “Stand Up for Human Rights”.

Tumayo at manindigan para sa karapatang pantao, ngayon at sa lahat ng panahon, saan mang sulok ng daigdig. Subalit sa kasuluk-sulukan ng ating bansa, umaalingawngaw hindi lamang ang mga putok ng baril kundi ang boses mismo ng Pangulo ng Pilipinas na tahasang nilalapastangan ang mga demokratikong karapatang pantao ng mga idineklara niyang komunista.

Ang freedom of thought, conscience, and religion ay malinaw na ginagarantiyahan sa ilalim ng Article 9 ng Universal Declaration of Human Rights. Maaari lang itong limitahan kung talagang kinakailangan upang protektahan ang kaligtasan at kaayusang pampubliko, kalusugan, o morals at mga karapatan at kalayaan ng ibang tao at sa pamamagitan lamang ng mga aksyon ng gubyernong proporsyonado at naaayon sa batas.

Ang paniniwala sa isang sistema tulad ng sosyalismo, komunismo, o kapitalismo ay kalayaan ng isang tao na maipapahayag niya bilang isang indibidwal o bilang kasapi sa isang grupo o organisasyon. Ang kalayaan sa paniniwala ay lubos o absolute. Ang maaari lamang limitahan ay ang mga pamamaraan at konkretong pagkilos tungo sa pagtataguyod ng mga paniniwalang ito.

Hindi dahil komunista ang isang tao ay nangangahulugang siya ay rebelde na rin. Hindi magkasing-kahulugan ang komunismo at rebelyon.

Ang red-tagging, o mas malala pa rito, ang pagtukoy sa isang tao o isang grupo nang may katiyakan na may-sala nang hindi dumadaan sa nararapat na kaparaanan ng batas o due process of law ay malinaw na paglabag ng karapatan ng akusado sa presumption of innocence o pagpapalagay na ang isang tao ay walang-sala hanggang sa mapatunayang may-sala. Dagdag pa rito, sa kaso ng Makabayan bloc, ang mga kasapi nito ay binabansagang komunista upang sila ay siraan at takutin ang kanilang mga taga-suporta o ang mga naniniwala sa kanilang mga ipinaglalaban, lalo na sa komunidad ng HRDs. Ang Makabayan bloc ay may anim na kinatawang kasalukuyang nakaupo sa House of Representatives at ang mga party-list nito ay palaging nananalo sa eleksyon mula 2001. Patunay ito na sila ay may malaking suporta mula sa mga botante.

Isa pa, ang mga kinatawan mula sa Makabayan bloc ay mga kasapi rin ng Makatao. Ang Makatao ay isang non-partisan na grupo na ako ang Lead Convenor. Ito ay binubuo ng  mga mambabatas na may komitment na ipaglaban ang mga panukalang batas para sa karapatang pantao at harangin ang mga panukalang batas na kontra sa proteksyon at pagsulong ng mga karapatang pantao at batayang karapatan.

Totoong ang aking pagiging principal author ng HRD Protection bill ay may malaking ambag sa pagkakapasa nito on third and final reading sa House of Representatives noong nakaraang 17th congress, ngunit dapat na bigyan din ng akmang pagkilala ang Makabayan bloc na naghain ng kanilang sarili at pinakaunang version ng HRD Protection bill noon pang 2008.

Ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang maisabatas ang isang HRD Protection Law dahil ito ay nagbibigay ng komprehensibong mga pamamaraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga paglabag ng Karapatan ng mga HRD. Sa ilalim ng panukalang batas, may malinaw na mandato ang mga awtoridad na protektahan ang mga karapatang ito, at lampas pa rito, padaliin ang gawain ng mga HRD. Kung sakaling malabag ang mga karapatan ng HRDs, ang mga may-sala ay dadaan sa pag-uusig nang naaayon sa batas at papatawan ng akmang administrative, civil and/or criminal sanctions.

Klaro ang pagbabawal sa red-tagging sa ilalim ng panukalang HRD Protection Law. Ang anumang paglabag ay parurusahan. Palalakasin ng pagkakaroon ng isang HRD Protection Law ang ating Anti-Enforced Disappearance Law. Alam na nating lahat kung gaano kahirap ang pagtutulak ng mga makabuluhang batas para sa karapatang pantao. Inabot ng labing-anim na taon bago tayo naging matagumpay sa Anti-Enforced Disappearance Law. Ngunit ang karanasang ito ay patunay lang na ang tagumpay ay abot-kamay kung tayo ay sama-samang kikilos at walang-sawang magpupursigi.

Ngayong National Day of Prayer for the Disappeared, isama natin sa ating panalangin hindi lamang ang mga mahal nating desaparecido kung hindi maging lahat ng HRDs na kasulukuyang kumikilos sa gitna at sa kabila ng panganib. Ipanalangin natin ang kanilang proteksyon at karugtong nito, ang pagsasabatas ng isang HRD Protection Law. Ipanalangin natin na hindi na maranasan ng iba pang pamilya ang pinagdaanan natin bilang mga kamag-anak ng mga sapilitang iwinala. Ang bawat panalangin ay tugmaan natin ng paghakbang pasulong. Huwag tayong tumigil sa pagdarasal at pagsulong hanggang sa tayo ay magtagumpay.

Muli, isang magandang gabi sa ating lahat.