The Manila Times
NO HOLDS BARRED
Rep. Edcel C. Lagman’s
Weekly Thursday Column
[ English ]
Mulang Pebrero 22 hangga’t 25, 1986, sa isang pag-aalsang umugong sa buong mundo at naging modelo ng mapayapang pagtutumba ng mga rehimeng mapanupil, milyun-milyong Pilipinong nanggaling sa iba’t-ibang sektor ng lipunan ang dumagsa sa EDSA (Epifanio de los Santos Avenue) upang wakasan ang tiraniya at pandarambong ng rehimeng Marcos.
Pinatalsik si Ferdinand Marcos ng makasaysayang EDSA People Power Revolution. Sa tulong ng US Air Force, tumakas ang diktador at ang kanyang pamilya patungong Hawaii.
Ngunit ang kanilang takot ay dinaig pa rin ang kanilang katakawan. Humakot pa sila ng “400 pirasong hiyas at alahas na may halagang $4 million, kasama na ang isang gintong korona at tatlong diamond-studded tiara; mahigit 60 sets ng pearl necklaces at chokers; isang Burmese ruby worth $290,000; at isang suklay na balot sa diamante worth $44,410.” May dala rin silang $1.2 million in Philippine currency sa loob ng 22 crates.
Lahat ng iyan ay nabisto dahil kinumpiska ng US Customs Service, at ibinalita ng mga diyaryo’t telebisyon sa buong mundo.
Upang hindi tayo makalimot, narito ang listahan ng mga kasalanan ni Marcos sa sambayanang Pilipino:
1) Siya’y nag-martial law upang kumapit sa kapangyarihan; 2) ikinandado ang Kongreso at iminando sa sarili ang paggawa ng batas; 3) pinagkukulong ang mga kritiko hangga’t wala nang pumupuna sa mga katiwalian niya; 4) pinagbibitiw ang mga judges hangga’t nawalan ng kapangyarihan ang Hudikatura; 5) nilabag ang karapatang pangtao ng daan libong detenidong hindi kinasuhan at hindi pinagpiyansa, ng mga sinalvage, ng mga dinukot at hindi na nakita;
6) Sinarhan ang mga media, binalewala ang freedom of expression at freedom of the press; 7) dinambong ang ating ekonomiya at bilyun-bilyong dolyar ang nalikom na ill-gotten wealth; 8) isinanla ang ating bayan sa halagang umabot ng $28 billion noong 1986 mulang $1 billion nang siya’y nahalal na pangulo noong 1965; 9) isinadsad ang ating ekonomiya: negative 7% GDP; at 10) pinayaman ang mga kamag-anak, kaibigan at kasosyo; pinautang ng government banks nang walang sapat na kolateral, binigyan ng mga kontratang lugi ang gobyerno, tinulungang kamkamin ang malalakas at malalaking negosyo.
Lahat ng katiwalian at kalupitan ni Marcos ay fully documented sa mga Supreme Court decisions, congressional legislation, at fact-finding reports ng mga lokal and internasyunal na private organizations.
Sa kasong PCGG v. Peña (April 12, 1988), pinagtibay ng Korte Suprema ang exclusive jurisdiction ng Presidential Commission on Good Government "given the magnitude of the past regime's 'organized pillage' and the ingenuity of the plunderers and pillagers."
Sa kasong Marcos v. Manglapus (Sept. 15, 1989), ito ang sinabi ng Korte Suprema: "The accumulated foreign debt and the plunder of the nation attributed to Mr. Marcos and his cronies left the economy devastated x x x while the recovery of the ill-gotten wealth of the Marcoses has remained elusive."
Sa kasong Mijares v. Rañada (April 12, 2005): "Our martial law experience bore strange unwanted fruits and we have yet to finish weeding out its bitter crop x x x The cries of justice for the tortured, the murdered and the desaparecidos arouse outrage and sympathy in the hearts of the fair-minded x x x The damage done was not merely personal but institutional, and the proper rebuke to the iniquitous past has to involve the award of reparations due within the confines of the restored rule of law."
Noong Pebrero 25, 2013, ang 27th anniversary ng EDSA People Power Revolution, nilagdaan ng yumaong President Benigno Aquino III ang “Human Rights Victims Reparation and Recognition Act” (Republic Act 10368). Ako ang author nito. Sa utos ng batas na ito, itatayo ang “Freedom Memorial Museum” bilang pag-alala sa mga biktima ng martial law at bilang paalala sa mga panganib nito. At ituturo mulang elementarya hangga’t kolehiyo ang lagim ng Marcos martial law at ang kabayanihan ng mga biktima nito.
Ang mga isyung nagsindi ng EDSA People Power Revolution, iyon mismo ang mga isyu sa halalan ngayon. Ang walang humpay na paglabag sa ating civil liberties at karapatang pantao. Ang ating malalim na pagkabaon sa utang. Ang malalang paniniil at awtoritaryanismo. Ang talamak at walang humpay na korapsyon.
Iyan ang mga kasalanan ni Marcos na ngayon ay iniilagan at pinagtatakpan ni Marcos Jr.
Tunog-lata’t walang laman ang kanyang paulit-ulit na panawagan ng “unity” dahil siya mismo ang nagniningas ng “disunity.” Nilulustay niya sa kasinungalingan ang minanang nakaw na yaman. Itinataguyod niya ang baluktot at mapanupil na panguluhan ni Rodrigo Duterte.
Dagdag pa riyan ang kanyang bulaang pagpuri sa “glory days” kuno ng Marcos martial law. Ang kawalan ng kahit katiting na konsensiya’t pagsisisi sa mga kasalanan ng kanyang pamilya. Ang patuloy niyang pagtamasa sa minanang nakaw na yaman.
Kaya tuloy napupukaw ang galit ng mga biktima ng Marcos martial law, at nakiki-isa sa kanila ang oposisyon ng Duterte administration.
Ang panawagang “unity” ni Marcos Jr. ay bulaan at mapagkunwari. Para siyang isang bandidong nanghihikayat na sundin natin ang batas; isang teroristang nananawagan ng kapayapaan; isang kawatang nagtataguyod ng katapatan; isang sinungaling na pumupuri sa katotohanan; isang kondenadong nanunumpang walang sala; isang diktador na kumakampeon ng kalayaan.
Kaya huwag nating iluklok sa Malakanyang ang anak ng diktador na kanyang kapangalan. Huwag nating kalimutan ang paniniil at pandarambong ng kanyang pamilya. Huwag nating kaligtaan ang mapait na aral ng kasaysayan at ito’y ating ipanghugas ng ating kasalukuyan. Huwag nating dungisan ng pangalang “Marcos” ang banal na balota; ito ang tunay na patunay ng ating demokrasya.
Huwag nating pagtaksilan ang diwa ng People Power Revolution sa EDSA.
Rep. Lagman’s email address is This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..